Umaasa ang Senado na mapapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang hindi maantala ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, mga prayoridad na panukalang batas, at iba pang mahahalagang imbestigasyon.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, hinihikayat nila ang prosecution at defense panels na gawing mas episyente ang paglilitis sa pamamagitan ng pagbawas sa bilang ng trial days at paglilimita sa mga testigong magbibigay lamang ng magkakatulad o corroborative na testimonya.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na kung may mga testigong pare-pareho lamang ang magiging salaysay, maaari itong bawasan upang mapabilis ang presentasyon ng ebidensya at ang kabuuang takbo ng impeachment proceedings.

Gayunman, nilinaw ng Senate President na hindi maaaring panghimasukan ng impeachment court ang magiging estratehiya ng magkabilang panig, ngunit umaapela silang maging maayos at episyente ang paghaharap ng mga testigo at ebidensya.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng agarang pagtatapos ng paglilitis upang mabigyang-pansin ng Senado ang iba pang mahahalagang tungkulin nito, kabilang ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027, mga priority measures sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC, at mga nakabinbing imbestigasyon gaya ng flood control projects, Tacloban school shooting, at isyu kaugnay ng letter of authority ng Bureau of Internal Revenue o BIR.

Samantala, inaasahang tututukan sa pagbubukas ng impeachment trial ngayong Lunes ang mga natitirang usapin mula sa pre-trial conference. Magbibigay muna ng opening statements ang House prosecution panel at ang defense panel bago resolbahin ng impeachment court ang mga isyung nakasaad sa pre-trial order.

Hindi naman nais pangunahan ni Gatchalian ang magiging pasya ng mga senator-judges sa mga nakabinbing usapin, kabilang ang selyadong kahon ng mga dokumento mula sa BIR na nananatiling nasa kustodiya ng Senado.

Inaasahan namang sa Martes pa magsisimula ang aktuwal na presentasyon ng mga testigo at ebidensya sa impeachment court.

Napagkasunduan na rin ng prosecution at defense panels na maaaring gamitin ang Filipino, English, at Taglish sa mga pagdinig upang mas madaling maunawaan ng publiko ang takbo ng impeachment trial.