Tuluyan nang bumalik sa normal ang sitwasyon sa bahagi ng Sitio Pandan, Barangay Malingao matapos ang ilang araw ng tensyon dahil sa presensya ng mga armadong grupo noong nakaraang linggo.

Sa isinagawang pagpupulong nitong Sabado sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak at ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army, napagkasunduan na maaari nang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng lumikas dahil sa kaguluhan.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umabot sa humigit-kumulang 250 pamilya ang naapektuhan at napilitang lumikas mula sa kanilang mga tirahan.

Tiniyak naman ng militar na ligtas na ang lugar. Batay sa kanilang isinagawang inspeksyon at pagbabantay, wala na silang namamataan na presensya ng armadong grupo sa komunidad.

Sa pahayag ni Lt. Col. Roden Orbon, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, karamihan sa mga evacuees ay nakabalik na sa kanilang mga bahay, habang nasa 40 pamilya pa ang nananatiling home-based evacuees sa karatig na Barangay Tapikan.

Dagdag pa ni Orbon, natukoy na ng militar ang dalawang armadong grupong responsable sa kaguluhan. Ang una ay pinamumunuan nina Rasul Taha, Baby Bungos, at Wahab Manguka; habang ang ikalawa ay kinabibilangan ng grupo nina Sam Simpal at Kagui Pancho. Kasalukuyan nang tinutugis ng militar ang mga nabanggit na indibidwal upang mapanagot sa kanilang ginawang panggugulo.