Sa kanyang mensahe, sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang pagdiriwang ng Pride Month ay hindi lamang pagkilala sa LGBTQIA+ community kundi pagpapaalala rin sa kahalagahan ng pagiging tapat sa sarili at sa karapatan ng bawat isa na magkaroon ng lugar sa lipunan.

Binigyang-diin ng House Speaker na hindi dapat maging batayan ng diskriminasyon ang pinagmulan, paniniwala, o pagkakakilanlan ng sinuman. Aniya, ang paggalang sa dignidad ng bawat tao ay isang pangunahing karapatan na dapat matamasa ng lahat.

Ayon pa kay Dy, mas umuunlad ang bansa kapag ang bawat mamamayan ay nabibigyan ng pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan at makamit ang kanilang mga pangarap nang walang pangamba sa panghuhusga o pagtatangi.

Idinagdag pa niya na ang pagkakaroon ng malasakit, pagtanggap, at pag-unawa sa isa’t isa ang susi sa pagbuo ng mas matatag at nagkakaisang komunidad.

Sa huli, binati ni Speaker Dy ang LGBTQIA+ community at hinikayat ang lahat ng Pilipino na sama-samang isulong ang isang lipunang mas inklusibo, makatarungan, at nagbibigay ng pantay na oportunidad para sa bawat isa.