Maswerteng nakaligtas ang isang Provincial Election Supervisor sa Sulu at kapatid nito matapos pagbabarilin ng hindi pa tukoy na riding-in-tandem sa Villa Sta. Maria, Zamboanga City nitong Sabado. December 21, 2024

Ito ang kinumpirma sa media ni Commission on Election (COMELEC) Chairman Atty. George Erwin Garcia at ng Zamboanga City Police Office.

Kinilala ang sugatang mga biktima na sina Sulu Election Supervisor Atty. Vidzfar Julie at ang kapatid nitong si Naser Amil Asiri na nagtamo ng sugat sa kanyang ulo.

Ayon sa ulat, sakay ng kanyang sasakyan si Atty. Vidzfar Julie at ang kapatid nito nang tambangan at paulanan ng bala ng mga suspek.

Narekober ng mga otoridad sa crime scene ang walong (8) basyo ng di patukoy na baril.

Agad namang narespondehan ng otoridad ang mga biktima at mabilis na naisugod sa bahay pagamutan.

Mariin namang kinondena ni COMELEC Chairman Garcia ang pananambang sa magkapatid at hiniling nito sa otoridad ang malalimang imbestigasyon at agarang aksyon.