Nanawagan ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM2 ng agarang suporta at psychological first aid para sa mga komunidad na naapektuhan ng magkakasunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Kabilang sa mga naitalang insidente ang pamamaril sa paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22, stabbing incident sa General Trias, Cavite noong Hunyo 16 at huling bahagi ng Hunyo, insidente ng pananaksak sa Bacolod City noong Hulyo 1, at pinakahuli, pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City kahapon Agosto 18.
Ayon sa EDCOM2, kailangang tiyakin na mananatiling ligtas na lugar para sa pagkatuto at paglago ng mga estudyante ang mga paaralan.
Kabilang sa mga isinusulong nitong hakbang ang mahigpit na pagpapatupad ng anti-bullying at child protection policies, pagpapalakas ng mental health support at pagkuha ng mas maraming guidance at school counselors.
Iminumungkahi rin ng komisyon ang mas mahigpit na pakikipagtulungan ng mga paaralan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad para sa seguridad ng mga learning spaces.
Nanawagan din ang EDCOM2 sa agarang pagpasa ng School Safety Bill na naglalayong palawakin ang proteksyon sa mga mag-aaral, kabilang ang kanilang mental health at well-being.
Binigyang-diin ng komisyon na bawat Filipino learner ay dapat magkaroon ng ligtas at suportadong lugar kung saan maaari silang matuto, lumago at umunlad.

















