Nanatiling malakas ang Super Typhoon Francisco (Mekkhala) habang bumagal ang galaw nito sa silangan ng Hilagang Luzon.
Namataan ang bagyo sa layong 410 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso hanggang 230 kilometro kada oras.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes, hilagang-silangang bahagi ng Cagayan (Gonzaga at Santa Ana), at silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Mababa na ang posibilidad na itaas pa ang Signal No. 2 dahil sa bahagyang pagbabago ng direksyon ng bagyo patungong hilagang-kanluran.
Bagama’t malayo sa kalupaan, pinalalakas ng bagyo ang Habagat na magdudulot ng malalakas na hangin at pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pinapayuhan ang mga mangingisda at may maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, at hilagang Aurora dahil sa malalaking alon na maaaring umabot mula 3 hanggang 4 na metro.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Hunyo 26 at tutungo sa Ryukyu Islands, Japan.
Samantala, inaasahan ding magsisimula itong humina sa mga susunod na araw dahil sa hindi kanais-nais na kondisyon sa paligid.

















