Arestado ang isang 53-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay sa dalawang senior citizen na retiradong guro sa Banisilan, Cotabato.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Meroy,” na nahuli bandang alas-10:30 ng umaga ngayong araw ng Oktubre 6 sa Sitio Kib-al, Barangay Guiling, Alamada, Cotabato.
Ayon sa pulisya, pinaslang ang dalawang biktima bandang alas-3 ng madaling araw noong Oktubre 4 sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Poblacion 2, Banisilan.
Nasakote ang suspek sa loob ng wala pang 72 oras matapos ang isinagawang hot-pursuit operation, kasama ang tuloy-tuloy na pagmamanman at koordinasyon ng Banisilan Municipal Police Station.
Batay sa paunang imbestigasyon, personal na alitan umano ang motibo sa krimen matapos umanong tumanggi ang mga biktima na magpahiram ng pera sa suspek.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal bago dinala sa Banisilan Municipal Police Station para sa booking at dokumentasyon.

















