Kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na nagsisimula na ang Southwest Monsoon o Habagat, batay sa mga pagsusuri sa lagay ng panahon sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa PAGASA, nakitaan na ng presensya ng southwesterly winds sa kanlurang bahagi ng bansa, na posibleng magpatuloy dahil sa pag-iral ng isang tropical cyclone sa Philippine Sea at pagpasok ng westerly winds sa bansa. Ang mga pagbabagong ito sa lagay ng panahon ay itinuturing na palatandaan ng unti-unting pagpasok ng rainy season.

Inaasahan ng weather bureau na mas magiging dominante ang Habagat sa mga susunod na araw, na magdudulot ng paminsan-minsan hanggang madalas na pag-ulan at thunderstorms, partikular sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Posible rin, ayon sa PAGASA, ang opisyal na pagsisimula ng tag-ulan sa mga darating na araw, bagama’t maaari pa ring makaranas ng tinatawag na monsoon breaks o pansamantalang paghina ng ulan na maaaring tumagal ng ilang araw o linggo.

Patuloy namang minomonitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa at pinapayuhan ang publiko at mga kinauukulang ahensya na maging handa at mag-ingat laban sa posibleng epekto ng Habagat tulad ng pagbaha at iba pang panganib dulot ng masamang panahon.