Naglabas ang Archdiocese of Cotabato ng isang pastoral na mensahe na humihikayat sa mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na responsableng makilahok sa kauna-unahang Parliamentary Elections ng rehiyon.
Sa pastoral na mensaheng pinamagatang “Walking Together in Peace, Justice, and Hope,” hinimok ng Arsobispo ng Cotabato ang mga botante na lumahok sa halalan nang may konsensya, karunungan, at tapang. Binigyang-diin din na huwag silang maimpluwensiyahan ng materyal na mga pabor, panggigipit sa politika, pananakot, maling impormasyon, o pansariling interes.
Ayon sa mensahe, ang September 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections ay isang makasaysayang pagkakataon at mahalagang hakbang sa pagpapatuloy ng paglalakbay ng rehiyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan, tunay na kaunlaran, mabuting pamamahala, at katuparan ng mga mithiin ng mga Bangsamoro.
Nanawagan din ang Arsobispo sa mga kandidato at naghahangad ng pampublikong posisyon na isagawa ang kanilang mga kampanya at aktibidad sa halalan nang may katapatan, pagiging patas, kagandahang-asal, at paggalang. Ipinaalala na ang pamumuno ay isang tunay na paglilingkod at ang pampublikong posisyon ay isang sagradong pananagutan, hindi pribilehiyo para sa pansariling kapakinabangan.
Samantala, hinikayat ang mga botante na pumili ng mga lider batay sa kanilang kakayahang maglingkod, at hindi dahil sa personal na pabor o pagkamuhi sa iba. Binigyang-diin din na ang halalan ay dapat maging pagkakataon para sa dayalogo, paggalang sa isa’t isa, at pagkakaunawaan.
Nanawagan din ang pastoral na mensahe sa mga opisyal ng halalan, volunteers, civil society organizations, security personnel, at iba pang stakeholders na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may pagiging patas at integridad. Binigyang-diin na ang kredibilidad ng proseso ng halalan ay nakasalalay sa integridad ng bawat taong gumaganap ng kanilang tungkulin.
Ipinaalala rin ng Archdiocese na ang pagbuo ng isang mapayapa at makatarungang Bangsamoro ay responsibilidad ng lahat. Hinikayat ang bawat isa na isulong ang kabutihang panlahat, igalang ang dignidad ng bawat tao, tumulong sa mga mahihina, at magtulungan para sa pangmatagalang kapayapaan.

















