Nasakote ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang isang most wanted person na kinilalang si Macario, itinuturing na ikatlong most wanted sa probinsya at top fugitive ng South Upi.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng South Upi Municipal Police Station sa ilalim ni PLT Albert F. Alarde, katuwang ang Provincial Intelligence Unit, RMFB 14A, at Philippine Army 57th Infantry Battalion, base sa impormasyong nakalap mula sa intelligence monitoring.
Nahaharap ang suspek sa apat na kaso ng statutory rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code, na may kaukulang warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 27, Twelfth Judicial Region, at walang inirekomendang piyansa.
Agad na dinala sa South Upi Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa hukuman.
Ayon kay PCOL Michael John C. Mangahis, Acting Provincial Director ng MDSPPO, patunay ang matagumpay na operasyon sa matibay na koordinasyon ng mga operating units at sa patuloy na kampanya kontra kriminalidad.
Dagdag pa nito, ipinapakita ng aksyon na tuloy-tuloy ang pagtutok ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at paghahatid ng hustisya sa mga biktima sa Maguindanao del Sur.

















