Binabantayan ng PAGASA ang Tropical Depression NENENG na patuloy na kumikilos pakanluran at maaaring magdala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Kaninang alas-3 ng madaling araw, nasa layong 675 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes ang sentro ng Neneng, taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras at bugso na hanggang 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, habang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas.

Asahan ang monsoon rains sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Makararanas naman ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon, habang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang posible sa iba pang lugar sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas.

Sa Mindanao at nalalabing bahagi ng Visayas, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms na maaari ring magdulot ng pagbaha sa oras ng malalakas na thunderstorms.