Nagpaabot ng agarang humanitarian assistance ang United Arab Emirates (UAE) para sa mga komunidad sa Mindanao na matinding naapektuhan ng malakas na lindol kamakailan.
Kabilang sa ipinadalang ayuda ng UAE ang pagkain, relief goods, at iba pang pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng kalamidad. Layunin nitong mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong pamilya at komunidad.
Ayon kay Dr. Tareq Ahmed Al Ameri, chairman ng UAE Aid Agency, bahagi ng kanilang internasyonal na responsibilidad ang agarang pagtugon sa mga bansang dumaranas ng sakuna.
“This urgent UAE response stems from the country’s international responsibility toward communities and peoples facing natural disasters and crises,” ani Al Ameri.
Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na suporta ng UAE sa mga bansang tinatamaan ng kalamidad, kabilang na ang Pilipinas.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 47 ang nasawi, higit 688 ang sugatan, at libo-libong residente ang nawalan ng tirahan matapos ang lindol na tumama malapit sa Sarangani province noong Hunyo 8.
Samantala, patuloy ring dumarating ang pakikiramay at suporta mula sa iba’t ibang bansa gaya ng United States, Japan, China, Australia, Germany, France, New Zealand, Israel, Russia, at Ukraine.
Nauna nang nagpadala ng mensahe ng pakikiramay si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at tiniyak ang patuloy na suporta ng kanilang bansa para sa Pilipinas.
















