Inilarawan ni Peace Adviser at concurrent Chairperson ng Government Peace Implementing Panel na si Sec. Mel Senen S. Sarmiento ang unang Bangsamoro Parliamentary Elections bukas, Setyembre 14, bilang bagong yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro.
Ayon kay Sarmiento, kumukumpleto sa political track ng peace process ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Sinabi niyang naging daan sa mahalagang halalan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, Bangsamoro Organic Law at Bangsamoro Electoral Code.
Kabilang din sa mga nakikitang bunga ng peace process ang nagpapatuloy na ceasefire, mapayapang decommissioning ng libu-libong dating combatants at kanilang mga armas, at patuloy na development programs sa mga komunidad na matagal na naapektuhan ng kaguluhan.
Hinimok ni Sarmiento ang mga botante sa buong BARMM na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at makilahok sa paghubog ng magiging pamahalaan at kinabukasan ng rehiyon.
Binigyang-diin din niya na responsibilidad ng mga kandidato, political parties at kanilang supporters na panatilihing ligtas, mapayapa at kapani-paniwala ang halalan.
Ayon kay Sarmiento, mahalagang mapangalagaan ang integridad ng halalan at mapanatili ang mga nakamit na tagumpay ng Bangsamoro peace process.
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pakikilahok ng mga mamamayan sa halalan ay malinaw na senyales ng pagpili sa prosesong pampulitika sa halip na muling paghawak ng armas upang makamit ang kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.
Sa huli, sinabi ni Sarmiento na nakasalalay sa kagustuhan at boto ng mga Bangsamoro ang magiging direksyon ng rehiyon tungo sa mas mapayapa, progresibo at inklusibong BARMM.

















