Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 5.3% ang unemployment rate sa bansa nitong nakalipas na buwan ng Agosto mula sa 6% noong Hulyo.
Katumbas ito ng 2.77 milyong Pilipino na walang trabaho noong Agosto, na mas mababa kumpara sa 3.14 milyong indibidwal noong Hulyo.
Samantala, bumaba rin ang underemployment rate sa 11.9% o katumbas ng 5.90 milyong Pilipino na naghahanap pa ng karagdagang oras sa trabaho o dagdag na pangkabuhayan.
Mas mababa ito kumpara sa naitalang 12.9% o 6.33 milyong Pilipinong kulang ang kinikita o oras ng pagtatrabaho noong nakaraang buwan ng Hulyo.
Naitala naman sa 94.7% ang employment rate sa bansa, na katumbas ng 49.79 milyong Pilipinong mayroong trabaho o pangkabuhayan nitong Agosto.

















