Smoke rises on the skyline after an explosion in Tehran, Iran, Saturday, Feb. 28, 2026.(AP Photo)

Naglunsad ang militar ng Estados Unidos ng mga bagong pag-atake sa katimugang bahagi ng Iran.

Target ng mga strike ang mga Iranian missile site at mga bangka na nagtatangkang maglatag ng mga mina sa dagat.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng US Central Command (CENTCOM) na isinagawa ang mga pag-atake bilang depensa sa sarili at upang protektahan ang kanilang mga sundalo laban sa mga banta mula sa pwersa ng Iran.

Ayon kay Capt. Tim Hawkins, tagapagsalita ng Central Command, patuloy na dedepensahan ng militar ng US ang kanilang mga tauhan habang pinananatili ang kahinahunan sa gitna ng umiiral na ceasefire.

Binigyang-diin ng opisyal na tinarget ng mga strike ang mga lokasyon malapit sa Bandar Abbas, isang port city sa timog ng Iran kung saan matatagpuan ang isang malaking naval base sa Strait of Hormuz.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na tugon ang pamahalaan ng Iran hinggil sa insidente. Hindi pa rin malinaw kung ano ang magiging epekto nito sa kasalukuyang peace agreement ng dalawang bansa.

Nitong nakaraang weekend, ipinahiwatig ni US President Donald Trump na malapit nang maabot ang isang kasunduan, ngunit kalaunan ay sinabi nitong inatasan niya ang mga negotiator na huwag madaliin ang proseso.