Direktang sinagot na ni Vice President Sara Duterte ang haka-hakang pagbibitiw niya sa pwesto sa gitna ng paggulong ng impeachment trial laban sa kaniya.

Sa isang maikling panayam sa kaniya na ibinahagi sa isang online page, iginiit ng bise presidente na hindi kailanman ito mangyayari. Itinanggi niyang magbibitiw siya dahil mistulang pagtataksil ito sa 32.2 milyong Pilipino na bumoto sa kaniya.

Dagdag pa ng opisyal na “kung nais umano ni PBBM (Pangulong Bongbong Marcos), maaari niyang gawin ang lahat para mapatalsik siya sa pwesto.”

Samantala, kasalukuyang bumibiyahe sa Europa si VP Sara para sa kaniyang overseas trips kabilang ang community engagements sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Noong Sabado nasa London ang bise presidente kung saan dumalo siya sa isang pagtitipon. Sa kaniyang speech, idinaing niya ang laganap na umano’y “buwaya” sa gobyerno.

Binatikos din niya ang pamahalaan, kung saan siya ay kabilang, na hindi umano makapagbigay ng oportunidad sa mga mamamayan upang hindi na sana sila nangingibang-bansa pa para magtrabaho.

Noong nakalipas na linggo, nagtungo naman si VP Sara sa The Hague, Netherlands, kung saan kasalukuyang nakadetine ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.