Walang naitalang nasawi o nasugatan sa isang umano’y palitan ng putok na kinasasangkutan ng dalawang magkalabang pamilya sa Sitio Simsiman, Barangay Mataya, Buldon, nitong Biyernes ng umaga, Hulyo 3.
Batay sa paunang ulat ng Buldon Municipal Police Station (MPS), bandang 7:25 ng umaga nang marinig ng mga residente ang sunod-sunod na putok ng baril sa lugar. Agad itong iniulat sa pulisya bandang 7:30 ng umaga, at rumesponde ang mga awtoridad makalipas ang limang minuto.
Pinangunahan ni Police Captain Elmar M. Elarcosa, Chief of Police ng Buldon MPS, ang response operation kasama si Police Colonel George D. Bagundol, Provincial Director, at mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company, 3rd Mobile Platoon.
Pagdating ng mga rumespondeng pulis, tumigil na ang putukan at wala nang mga sangkot sa lugar. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang insidente ay umano’y may kaugnayan sa matagal nang alitan o rido sa pagitan ng mga pamilya Abubakar at Undaki. Ayon sa impormasyong nakalap mula sa mga residente, may umano’y tangkang paghihiganti ang ilang miyembro ng pamilyang Undaki laban sa pamilyang Abubakar bago naganap ang insidente.
Kinumpirma ng pulisya na walang tinamaan ng bala at walang naitalang nasawi o nasugatan.
Patuloy ang hot pursuit operations at mas pinaigting ang intelligence gathering ng Buldon MPS upang matukoy, mahanap, at maaresto ang mga sangkot. Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa iba pang concerned units at mga lokal na opisyal upang maiwasan ang posibleng paglala ng sigalot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
















