Nanawagan si Bangsamoro Wali Sheikh Muslim M. Guiamaden ng pagkakaisa at responsableng pamamahala matapos ang unang regular na Parliamentary Elections sa BARMM noong Setyembre 14.

Sa kanyang mensahe, binati ni Guiamaden ang mga Bangsamoro sa matagumpay na pagkakasa ng halalan at hinikayat ang mga bagong halal na miyembro ng Parliament na gampanan nang may pagpapakumbaba, sinseridad at pananagutan ang kanilang mandato.

Binigyang-diin din ng Wali na dapat maglingkod ang mga bagong halal na opisyal sa lahat ng Bangsamoro, anuman ang kanilang political affiliation o naging electoral preference.

Para naman sa mga kandidatong hindi pinalad sa halalan, sinabi ni Guiamaden na maaari pa rin nilang maipagpatuloy ang paglilingkod sa publiko sa pamamagitan ng civil society at iba pang larangan ng public life.

Nanawagan din siya ng patuloy na kooperasyon at pagkakaisa sa kabila ng magkakaibang political choices upang maisulong ang kapayapaan, katarungan at pag-unlad sa Bangsamoro.

Hiniling naman ni Guiamaden ang paggabay ni Allah sa mga bagong lider at pagkakaisa ng mga Bangsamoro sa pagtugon sa mga usaping mahalaga sa rehiyon.