Kinilala si Lt. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command, bilang isa sa mga natatanging awardees sa “Nation Builders: Leading Men Awards” na inorganisa ng TopNewsAsia Magazine na ginanap sa Okada Manila noong Mayo 19, 2026.
Ang prestihiyosong pagtitipon ay dinaluhan ng iba’t ibang lider ng bansa mula sa sektor ng gobyerno, seguridad, negosyo, at lokal na pamahalaan, kabilang sina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., Philippine Army Commanding Gen. Lt. Gen. Antonio Nafarrete, COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, DBM Secretary Rolando Toledo, at ilang mga alkalde at opisyal ng pamahalaan.
Kinilala si Lt. Gen. Gumiran dahil sa kanyang pamumuno sa pagpapaigting ng kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa Western at bahagi ng Southern Mindanao sa pamamagitan ng pinagsamang military operations, strategic communication, at community-based peacebuilding initiatives.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakapagtala ang mga pwersa ng pamahalaan ng mga makabuluhang tagumpay laban sa terorismo at insurgency, kabilang ang neutralisasyon ng ilang high-value targets, pagkakasamsam ng mga armas, at pagkakabuwag ng mga network ng mga armadong grupo sa rehiyon.
Maliban sa operasyong militar, itinulak din ni Lt. Gen. Gumiran ang WESTMINCOM CARES program na layuning pagtibayin ang ugnayan ng militar, mga lokal na pamahalaan, BARMM institutions, at mga peace stakeholders sa pamamagitan ng community engagement at humanitarian initiatives.
Giit ng opisyal, ang epektibong seguridad ay nakabatay sa tiwala, kooperasyon, at sama-samang pagkilos ng lahat ng sektor.
Sa kanyang mensahe, inialay ni Lt. Gen. Gumiran ang parangal sa mga sundalo ng WESTMINCOM, partner agencies, at mga komunidad na patuloy na sumusuporta sa mga programa para sa kapayapaan at kaunlaran.
Binigyang-diin ng WESTMINCOM na magpapatuloy ang kanilang intelligence-driven at community-supported operations upang mapanatili ang seguridad at katatagan sa Mindanao.
















