Namahagi ng isang libong sako ng bigas ang tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority Parliament Member Atty. Kitem “Kits” Kadatuan, Jr. sa mamamayan ng bayan bilang paghahanda sa papalapit na Banal na Buwan ng Ramadhan.
Ang turnover ng bigas ay ginanap sa DSA Municipal Hall sa Barangay Salbu kung saan katuwang ang mga lokal na opisyal sa pamamahagi.
Sa exclusive interview ng Star FM Cotabato kay Fharsaudi Sionga, Legislative Staff Officer IV ng tanggapan ni MP Kadatuan, ipapasa ang bawat sako sa mga barangay captain upang matiyak na makarating sa mga pamilyang nangangailangan.
Ibinahagi ni Babo Kenao Katir Ali, isang residente, na malaking tulong sa kanila ang bigas dahil kasalukuyan silang nakabakwit at nahihirapan sa araw-araw na pagkain.
Bukod sa isang libong sako, halos 500 pang sako ang hiwalay na ipinamigay sa Barangay Kitango kung saan bawat bahay ay nakatanggap ng tig-isang sako.
Ayon kay Sionga, patuloy ang plano ng tanggapan ni MP Kits na maghatid ng tulong sa buong bayan at walong barangay nito upang mabawasan ang pasanin ng mga mamamayan.

















