Labimpitong (17) armas ang opisyal na isinuko ng mga indibidwal mula sa nagririrido at magkakaaway na armadong grupo sa Bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur. Ang aktibidad ay isinagawa upang mabawasan ang insidente ng karahasan at mapalakas ang seguridad sa komunidad.
Ang mga armas ay pormal na ipinrisinta kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, sa pakikipagtulungan nina Lt. Col. Edgardo Batinay ng 34th Infantry Battalion, Lt. Col. Erwin Felongco ng 38th Infantry Battalion, at lokal na opisyal kabilang si Mayor Akmad “Butch” Ampatuan Jr. at mga barangay officials. Kasama rin sa programa ang kinatawan mula sa Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang boluntaryong pagsuko ng armas ay hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Mamasapano. Hinikayat ng militar at lokal na opisyal ang iba pang armadong grupo na sundan ang ganitong inisyatiba para sa kaligtasan ng buong komunidad.
Mula sa pahayag ni MGen Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng JTF Central at 6ID, ang pagsuko ng armas ay malinaw na indikasyon ng hangaring wakasan ang hidwaan at isulong ang pagkakaisa sa lugar. Pinuri rin niya ang koordinasyon ng militar, lokal na pamahalaan, at mga barangay officials bilang susi sa matagumpay na implementasyon ng programa.

















