Arestado ang dalawang indibidwal habang tatlong baril, kabilang ang dalawang high-powered rifles at isang baril na pag-aari ng Philippine National Police (PNP), ang nasamsam sa isinagawang entrapment operation ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) noong Hunyo 29 sa Barangay Cabingan, Marawi City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jubidi Andul Jalil, 33, residente ng Binidayan, Lanao del Sur, at Norsally Manarondong Barat, 35, residente ng Marawi City.
Pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit–Special Operations Group ang operasyon, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya sa lalawigan. Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa pulisya, matagumpay na naisagawa ng isang poseur-buyer ang pagbili ng mga baril gamit ang boodle money na may kasamang tunay na salapi na nagkakahalaga ng P300,000.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang Elisco caliber 5.56 rifles, isang Pietro Beretta caliber 9mm pistol na natukoy na pag-aari ng PNP, buy-bust money, mga packaging materials, at isang itim na Toyota Hilux.
Naipabatid na sa mga suspek ang kanilang mga karapatang naaayon sa batas at kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Marawi City Police Station. Samantala, dinala na sa Lanao del Sur Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsusuri.
Pinuri ni Police Brigadier General Christopher M. Abecia, Regional Director ng PRO BAR, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling iginiit ang patuloy na kampanya laban sa paglaganap ng mga iligal na baril sa rehiyon.
Ayon kay PBGen. Abecia, patuloy nilang paiigtingin ang mga intelligence-driven operations laban sa mga sangkot sa ilegal na bentahan at trafficking ng mga baril upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad.

















