Naglaan ang Bangsamoro Government ng tig-P2.5 milyon sa bawat munisipalidad sa Maguindanao del Sur para sa programang pangkabuhayan na naglalayong tulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho at iba pang nangangailangan ng pansamantalang hanapbuhay.

Isinagawa ito sa pamamagitan ng Bangsamoro Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o BTUPAD ng Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, gamit ang pondo mula sa Transitional Development Impact Fund o TDIF.

Sa ilalim ng programa, nasa 215 manggagawa sa bawat munisipalidad ang inaasahang makikinabang at tatanggap ng tig-P11,500 bilang sahod o tulong-pinansyal kapalit ng kanilang pakikilahok sa mga gawaing pampubliko at pangkomunidad.

Personal na dumalo sa pamamahagi ng tulong ang bagong talagang MOLE Minister na si Atty. Kitem “Kits” Kadatuan Jr.

Kabilang sa mga gawaing isasagawa ng mga benepisyaryo ang clean-up drive, tree planting, declogging at iba pang proyektong pangkapaligiran sa kani-kanilang komunidad.

Layunin ng BTUPAD na makapagbigay ng pansamantalang trabaho at agarang tulong-pinansyal sa mga displaced, marginalized at disadvantaged workers na naapektuhan ng mga hamon sa kabuhayan at ekonomiya.

Sa pamamagitan ng naturang programa, inaasahang matutulungan ang mga manggagawa na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang nakikibahagi rin sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa kanilang mga komunidad.