Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara sa mga technology at social media companies na higpitan ang age-verification system at alisin ang mga online content na nagtataguyod ng karahasan at maaaring gamitin sa panghihikayat sa mga kabataan na sumapi sa mga grupong ekstremista.
Sa isang multisectoral forum sa University of Asia and the Pacific, iginiit ni Angara ang pangangailangang palakasin ang proteksyon ng mga mag-aaral laban sa nihilistic violent extremism o NVE.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng pangmatagalang solusyon sa karahasan sa mga paaralan.
Bumuo na rin ang DepEd ng task force kasama ang Department of Information and Communications Technology at Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang subaybayan ang mga umuusbong na panganib sa online platforms.
Bukod sa online protection, pinalalakas din ng DepEd ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng security personnel, CCTV, metal detector at pakikipagtulungan sa mga barangay tanod at pulisya.
Pinalawak din ang Kaagapay Program upang gabayan ang mga magulang sa pagprotekta sa mga anak sa internet, habang pinatitibay ang mga programa para sa mental health, bullying prevention at peer support ng mga mag-aaral.

















