Magbabalik na sa regular na limang araw na pasok kada linggo ang mga tanggapan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) simula Lunes, Nobyembre 16, 2026.

Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng BARMM ng advisory kahapon Nobyembre 10 hinggil sa pagbawi sa four-day onsite work arrangement at compressed workweek na ipinatupad sa ilalim ng Memorandum Circular No. 0049, Series of 2026.

Batay sa advisory, napagkasunduan ang pagbabalik sa regular na iskedyul sa isinagawang First Regular Cabinet Meeting noong Nobyembre 6, 2026.

Sa ilalim ng bagong direktiba, magiging Lunes hanggang Biyernes ang regular na araw ng trabaho, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, na may isang oras na pahinga para sa tanghalian mula alas-12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.

Katumbas ito ng walong oras na trabaho kada araw o kabuuang 40 oras kada linggo, hindi kabilang ang oras ng tanghalian, alinsunod sa mga panuntunan ng Civil Service.

Inatasan naman ang mga pinuno ng mga ministeryo, opisina at ahensya na tiyakin ang pagsunod sa bagong iskedyul at isagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa maayos na pagpapatupad nito.

Kasabay nito, pormal nang pinawalang-bisa ang Memorandum Circular No. 0049, Series of 2026, gayundin ang iba pang direktibang salungat sa bagong advisory.