Dumating na sa Maguindanao del Sur ang ikalawang wave ng augmented police personnel para palakasin ang seguridad sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election sa Setyembre 14.
Tinanggap ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang mga dagdag-puwersa mula sa PRO 11, PRO-BAR Regional Headquarters, Special Action Force o SAF, Highway Patrol Group o HPG, Explosive Ordnance Disposal o EOD at Regional Mobile Force Battalion 14-A.
Dumating ang mga tauhan sa Camp Datu Akilan Ampatuan sa Shariff Aguak upang tumulong sa pagpapatibay ng seguridad sa lalawigan bago at habang isinasagawa ang halalan.
Pinangunahan nina PCOL Rexmel G. Reyes, Deputy Regional Director for Operations, at PCOL Carlito A. Narag Jr., Chief of the Regional Staff, ang pagtanggap sa mga augmentation personnel.
Binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng disiplina, pagiging propesyonal at pagsunod sa mga patakaran sa kanilang deployment.
Samantala, tiniyak ni Maguindanao del Sur Police Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis na bibigyan ng sapat na orientation at gabay ang mga dagdag-puwersa upang maging maayos ang kanilang operasyon.
Layunin ng pinaigting na deployment na maprotektahan ang mga komunidad at botante at makatulong sa pagpapanatili ng ligtas, mapayapa at maayos na proseso ng halalan sa Maguindanao del Sur.

















