Kinumpirma ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na ang tatlong bangkay na natagpuan sa isang taniman ng goma sa Sitio Goma, Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur, ay pawang mga nawawalang residente mula sa Calatagan, Batangas.

Ayon kay PRO-BAR Spokesperson Police Lt. Col. Jopy Ventura, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima matapos makumpirma ng kanilang mga kaanak ang pagkakatulad ng mga personal na gamit at pananamit ng mga ito.

Batay sa imbestigasyon, huling namataan ang tatlo noong Mayo 11 habang nagdedeliver umano ng mga alagang kambing sa nasabing lugar. Pagkaraan ng ilang araw na hindi nakauwi, isinailalim sa missing persons report ang mga biktima.

Natuklasan ang mga bangkay nitong Biyernes, na nakalibing sa mababaw na hukay at pawang nakatali pa ang mga kamay—isang indikasyon na posibleng biktima sila ng karahasan.

Isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad, dahilan upang madiskubre ang lugar ng paglilibingan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen at kung ano ang posibleng motibo sa pagpatay.

Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na may kinalaman sa negosyo o personal na alitan ang krimen.

Hinihimok ng mga awtoridad ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanila ang anumang impormasyon na makatutulong sa ikalulutas ng kaso.