Isinagawa ng Local Government Unit (LGU) ng Upi, sa pangunguna ni Mayor Ma. Rona Cristina Piang-Flores, ang Peace and Reconciliation Settlement na nagresulta sa pagkakasundo ng mga pamilya Mundas at Osing, na layong tuluyang maresolba ang matagal nang sigalot sa pamamagitan ng mapayapang proseso.
Ayon sa LGU, bahagi ang naturang hakbang ng patuloy na inisyatiba ng lokal na pamahalaan na isulong ang dialogue-based resolution sa mga alitan sa komunidad upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang karagdagang tensyon sa bayan.
Dumalo at nakiisa sa aktibidad ang iba’t ibang kinatawan mula sa pamahalaan at security sector, kabilang si Vice Governor Datu Marshall I. Sinsuat ng Maguindanao del Norte, BTA Member of Parliament Ramon A. Piang Sr. ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs, mga kinatawan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Maguindanao del Norte Police Provincial Office sa pangunguna ni Acting Provincial Director PCol George D. Bagundol Jr., at ilang religious leaders.
Sa naturang reconciliation process, muling pinagtibay ang kahalagahan ng pag-uusap at pagkakaunawaan bilang pangunahing paraan ng pagresolba ng sigalot sa komunidad, na may layuning mapalakas ang tiwala at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ng LGU na ang ganitong uri ng inisyatiba ay mahalaga sa pagpapatatag ng kapayapaan at seguridad sa bayan, habang patuloy na isinusulong ang whole-of-community approach para sa mas matatag na Upi.

















