Dalawang katao ang nasawi habang pito pa ang nasugatan sa isang insidente ng pamamaril sa Purok 4, Barangay Malingao, Kadayangan, Special Geographic Area (SGA)-BARMM, bandang alas-8:40 ng umaga nitong Hunyo 2, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Musalik Talusan Balang, 45-anyos, may asawa at residente ng Purok 6, Barangay Malingao, at Haron Boliongan, 35-anyos, may asawa at residente ng Purok 4 ng nasabing barangay.

Sugatan naman si Romeo, nasa hustong gulang at residente ng Purok 4, Barangay Glad, Midsayap, North Cotabato, habang anim pang indibidwal ang isinugod sa ospital sa Midsayap para sa agarang gamutan at patuloy pang bineberipika ang kanilang pagkakakilanlan.

Batay sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Kadayangan Municipal Police Station mula kay Barangay Chairman Hon. Norodin Dilangalen hinggil sa insidente, dahilan upang agad rumesponde ang mga tauhan ng himpilan sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Julito E. Gonzales, Officer-in-Charge.

Pagdating sa lugar, nadatnan ng mga rumespondeng pulis ang mga biktima kung saan isa pa umano ang buhay at agad isinugod sa Midsayap District Hospital upang malapatan ng lunas.

Sa isinagawang pagproseso sa crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng ilang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre 5.56 na baril.

Patuloy naman ang imbestigasyon at follow-up operations upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nananatiling nakatakas, gayundin ang motibo sa likod ng insidente. Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army para sa karagdagang seguridad sa lugar at pagpapatibay ng perimeter security.