Patay ang tatlong pinaghihinalaang sangkot sa motornapping matapos makipagbarilan sa magkatuwang na operasyon ng Libungan at Midsayap Police sa North Cotabato.

Ayon kay PLTCol. Arniel Melocotones, hepe ng Midsayap PNP, madaling araw kamakalawa nang umiwas sa isang random checkpoint sa Libungan ang tatlong sakay ng motorsiklo. Imbes na huminto, nagpaputok umano sila sa mga pulis, dahilan upang tugisin sila.

Dahil dito, agad na nagkasa ng blocking operation ang Midsayap PNP. Nang maabutan ang mga suspek sa Barangay Sadaan, muli silang nakipagbarilan, kaya gumanti ang mga pulis na nauwi sa pagkamatay ng tatlo.

Narekober sa kanila ang tatlong baril—dalawang .45 pistola at isang .38 revolver. Iniimbestigahan naman kung nakaw rin ang motorsiklong ginamit ng mga suspek.