Patay ang isang 33 anyos na babae matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa gilid ng kalsada sa Barangay Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, pasado alas tres ng hapon kahapon, Agosto 18, 2025.

Kinilala ng Datu Odin Sinsuat PNP ang biktima na si Bai Rania Pidtukasan Guerra, residente ng Angel Bacani Street, Cotabato City.

Sa paunang imbestigasyon ng DOS Municipal Police Station, naglalakad lamang ang biktima nang biglang lapitan ng mga salarin at walang habas na pinagbabaril. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungong hilaga.


Mabilis ding nagsagawa ng hot pursuit operation ang Datu Odin Sinsuat PNP habang patuloy ang kanilang pangangalap ng impormasyon upang matukoy ang motibo sa naturang pamamaslang.