Isasagawa ng Bangsamoro Federalist Party o BFP ang kanilang campaign kickoff activities sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM simula bukas, Agosto 8, bilang pormal na pagsisimula ng kanilang kampanya para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon sa inilabas na schedule ng partido, sabay-sabay na isasagawa ang mga aktibidad sa Basilan, Cotabato City, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Special Geographic Area o SGA.
Sa Cotabato City, gaganapin ang campaign kickoff sa Cotabato State University Gymnasium ganap na alas-2 ng hapon.
Magsisimula naman alas-8 ng umaga ang aktibidad sa Lamitan City Gymnasium sa Basilan at Marawi Convention Center sa Lanao del Sur.
Alas-7:30 ng umaga naman ang nakatakdang kickoff sa Municipal Gymnasium sa Parang, Maguindanao del Norte.
Sa Datu Anggal Midtimbang Gymnasium sa Maguindanao del Sur, nakatakda itong magsimula alas-8 ng umaga, habang alas-8:30 naman ang aktibidad sa Datu Binasing, Pahamuddin sa SGA.
Samantala, sa Tawi-Tawi, isasagawa ang campaign kickoff sa MBHTE Gymnasium sa Bongao sa Agosto 9, ganap na alas-8 ng umaga.
Ang campaign activities ay bahagi ng paghahanda ng BFP para sa halalan na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Samantala, inaasahan ang pagdaraos ng campaign activities at paglalabas ng mga plataporma ng iba pang mga partidong kalahok sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa BARMM.

















