Mararanasan ang mapanganib na antas ng init ang Cotabato City ngayong araw, April 4 matapos umabot sa tinatayang 42 degrees Celsius ang heat index.

Batay sa forecast, pasok ito sa tinatawag na “danger level” kung saan mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion, at maging heat stroke lalo na sa mga matagal na nabibilad sa araw.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na iwasan ang direktang sikat ng araw partikular mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon.

Mahalaga ring uminom ng maraming tubig, magsuot ng preskong damit, at manatili sa malamig o may lilim na lugar hangga’t maaari.

Pinapaalalahanan din ang mga magulang na bantayang mabuti ang mga bata, pati na ang mga nakatatanda na mas sensitibo sa matinding init ng panahon.

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon habang inaasahan pang magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon sa mga susunod na araw.