Sa gitna ng umiinit na usapin ng political realignment sa Cotabato City at ilang bahagi ng BARMM, nananatiling matatag ang suporta ng ilang opisyal sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP).

Kasunod ng panunumpa nina Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, Vice Mayor Sultan Johair Madag, at ilang konsehal sa BFP nitong Biyernes, hindi nakisabay sa paglipat ng partido ang ilang opisyal kabilang sina Konsehal Faidz Yusop Edzla, Bai Shalimar Abdulkadir Candao, Kap Jonas Mohammad, Councilor Joven Pangilan, at Guiadzuri Andong Midtimbang II.

Sa isang social media post ni BTA Member of Parliament Atty. Lanang Ali, makikita ang pagbisita nina Edzla at Mohammad sa tanggapan ng UBJP sa Camp Darapanan, kung saan muling ipinakita ng mga ito ang kanilang suporta at pananatili sa partido.

Ayon sa ulat, iginiit ng mga nasabing opisyal na wala silang planong tumiwalag sa UBJP, ang political arm ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa kabila ng mga kumakalat na isyu ng pagbabago ng alyansa sa lungsod.

Gayunman, nananatiling tikom pa rin ang pahayag ng ilan sa kanila hinggil sa kanilang susunod na hakbang sa gitna ng nagbabagong political landscape sa Cotabato City.

Samantala, nauna nang nilinaw ni Konsehala Bai Shalimar Abdulkadir Candao sa kanyang Facebook post na mananatili siya sa UBJP, kasunod ng mga ulat na umano’y sasama siya sa ibang political group.