Nagnegatibo sa ilegal na droga ang 82 driver, konduktor at dispatcher matapos sumailalim sa sorpresang drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM sa anim na terminal ng transportasyon sa Cotabato City noong Oktubre 27.

Isinagawa ang pagsusuri alas-5 ng umaga bilang bahagi ng Oplan Harabas upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas.

Kabilang sa mga sinuyod na terminal ang Husky Bus, Bangsamoro, Mindanao Bus, COTOCO, A to Z Van at Collido. Nag-deploy rin ng mga asong sinanay sa pagtukoy ng droga upang inspeksyunin ang mga compartment ng mga pampasaherong sasakyan at bus.

Namahagi rin ng mga materyales tungkol sa pag-iwas sa ilegal na droga ang PDEA-BARMM katuwang ang mga lokal at iba pang ahensiya ng pamahalaan.