Nasabat ng mga pulis ang hinihinalang ilegal na sigarilyong nagkakahalaga ng P3.7 milyon mula sa isang closed van na sinita sa checkpoint sa Barangay Batulawan, Malidegao, Special Geographic Area (SGA), BARMM, dakong alas-6:30 ng gabi noong kahapon Oktubre 28.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng 1405th Company ng Regional Mobile Force Battalion 14-A at Malidegao Municipal Police Station, kasunod ng impormasyong may kargang ilegal na sigarilyo ang sasakyang bumibiyahe mula Cotabato City patungong Makilala, North Cotabato.
Narekober sa van ang 39 na master case at 44 na ream ng Bosqu brand na sigarilyo, gayundin ang 48 master case at 23 ream ng D&J brand.
Tinatayang nagkakahalaga ng P3,779,538 ang kabuuang kargamento.
Nasa kustodiya na ng Malidegao MPS ang driver na si alyas Eloy at ang helper nitong si alyas Joe, kapwa residente ng Ma-a, Davao City, kasama ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa dokumentasyon at imbestigasyon.
Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan, may-ari at destinasyon ng kargamento, gayundin ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.
















