Patay ang umano’y operator ng isang drug den habang tatlo ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng PDEA-BARMM sa Barangay Old Nunangan, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur, kahapon, Agosto 27.

Kinilala ang napatay na suspek na si alyas Allan o Dhats matapos umanong manlaban sa mga operatiba. Idineklara siyang dead on arrival sa pagamutan.

Samantala, kinilala ang tatlong naaresto na sina alyas Neng at alyas Tanggul, parehong residente ng Barangay Old Nunangan, at alyas Jordan mula Datu Unsay.

Nadiskubre rin ng PDEA na parehong may kaso kaugnay sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong 2017 sina Allan at Neng.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 18 piraso ng heat-sealed plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng mahigit 33 gramo, mga ID, wallet, buy-bust money, drug paraphernalia, at iba’t ibang uri ng baril at bala.

Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga naaresto na sasampahan ng panibagong kaso sa ilalim ng RA 9165.