Apat na indibidwal ang nahuli ng mga awtoridad matapos makumpiska ang 67 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P455.6 milyon sa isang buy-bust operation sa Zamboanga City noong Nobyembre 11, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-4:52 ng hapon sa Arcillas Street, Barangay Mercedes, sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office–National Capital Region (PDEA RO-NCR), sa pamamagitan ng Northern District Office, katuwang ang iba pang yunit ng PDEA at Philippine National Police.

Batay sa ulat ng PDEA Regional Office 9, umabot sa 67,000 gramo ang kabuuang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga, kabilang ang dalawang pakete na may tinatayang dalawang kilo na ginamit sa transaksyon at 65 pang pakete na naglalaman ng humigit-kumulang 65 kilo na nakuha mula sa mga suspek.

Kabilang sa mga naaresto ang apat na indibidwal na kinilala sa mga alyas na “Sab,” 45-anyos na tricycle driver; “Sher,” 42-anyos na maybahay; “Jul,” 54-anyos na vendor; at “Abu,” 33-anyos na walang trabaho, na pawang mga residente ng Zamboanga City at mga karatig-lugar.

Narekober din sa operasyon ang apat na identification card, isang pasaporte, dalawang cellphone, digital weighing scale, transaction slip, susi ng sasakyan at isang sasakyan.

Nahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga awtorisadong saksi, kabilang ang isang halal na opisyal ng Barangay Mercedes at kinatawan ng media.

Isusumite naman sa PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu para sa kaukulang pagsusuri at kumpirmasyon.