Arestado ang Top 8 Most Wanted Person ng Cotabato City Police sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Tracker Teams ng Police Station 3, sa pangunguna ni PCPT Kenneth Van A. Encabo, noong Setyembre 1, 2025.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Pak,” 52 anyos, residente ng Purok Palayan, Tamontaka 1, Cotabato City.
Batay sa ulat, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28, Paragraph E (1) kaugnay ng Paragraph A ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. May nakalaan itong piyansang ₱100,000.
Ang warrant of arrest laban sa kanya ay inilabas ni Hon. Ysnaira A. Ibrahim, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 13, Cotabato City, noong Agosto 27, 2025.
Ayon sa mga otoridad, ipinaliwanag sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang naiintindihan. Sa ngayon, nakapiit siya sa custodial facility ng Cotabato City Police Station 3 para sa tamang disposisyon.