Isinuko ng ilang residente mula sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao del Sur ang dalawampu’t siyam (29) na iligal na baril sa ilalim ng Balik-Baril at Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program.

Ipinasa ang mga nasabing armas kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, sa isang turnover ceremony sa himpilan ng 90th Infantry Battalion sa Brgy. Kamasi, Ampatuan. Layunin ng programa na mabawasan ang pagkalat ng iligal na armas at mapalakas ang kooperasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kaayusan sa lalawigan.

Dumalo sa aktibidad ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng pambansang ahensya, kabilang sina Ms. Sittie Sahara Kasan ng OPAPRU; Datu Jomar Midtimbang, Chief of Staff ng Maguindanao del Sur; Mayor Datu Bassir D. Utto ng Datu Saudi Ampatuan; Hon. Datu Haris Ampatuan ng Datu Hoffer; Hon. Comeni S. Ampatuan ng Shariff Aguak; at mga hepe ng pulisya na sina PCPT Argie A. Eyana, PCPT Beatriz Taeza, at PLT Patrick Dangalaw.

Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan at lokal na opisyal ay nakikitang hakbang para sa mas ligtas na komunidad. Samantala, nanawagan si Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, sa mga natitira pang may hawak ng iligal na armas na sumunod sa programa para sa kapayapaan at kaunlaran ng lalawigan.

Photos from 601st Infantry Unifier Brigade