Nilinaw ng BARMM Grand Coalition o BGC na wala pa itong pormal na kasunduan sa anumang partidong pampulitika para sa pagbuo ng koalisyon, kabilang ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP, Bangsamoro Federalist Party o BFP, at Moro National Liberation Front o MNLF.

Ito ang nakasaad sa opisyal na pahayag ng BGC ngayong Sabado Oktubre 3, kasunod ng serye ng pakikipagdayalogo nito sa mga lider ng nasabing mga partido.

Ayon sa BGC, bahagi ito ng patuloy na konsultasyon sa mga partidong pampulitika at iba pang mahahalagang sektor bilang paghahanda sa pagbuo ng unang halal na pamahalaang Bangsamoro.

Gayunman, hindi pa umano kumpleto ang proseso ng konsultasyon at wala pang napipirmahang kasunduan para sa anumang alyansa.

Binigyang-diin ng koalisyon na dapat dumaan sa masusing pag-uusap at konsultasyon ang anumang desisyon hinggil sa pagbuo ng pamahalaan, upang matiyak na maisasaalang-alang ang kapakanan ng mamamayang Bangsamoro.

Inaasahang magpapatuloy ang pakikipagdayalogo ng BGC sa mga partidong pampulitika at iba pang stakeholder sa mga susunod na araw.

Pormal lamang umanong iaanunsyo ng koalisyon ang magiging desisyon nito matapos makumpleto ang lahat ng konsultasyon at makabuo ng kolektibong paninindigan ang pamunuan, kung saan mahalagang salik ang pagkakaroon ng consensus o pagkakasundo.