Nangako ang 6th Infantry Division o 6ID at Joint Task Force Central ng buong suporta sa PNP sa pagpapatupad ng mga lehitimong law enforcement operations sa BARMM.

Ito ang binigyang-diin ni Acting 6ID/JTF Central Commander Brigadier General Ricky P. Bunayog sa coordinating conference kasama ang PNP at iba pang security agencies nitong Setyembre 30 sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Kabilang sa susuportahang operasyon ang legal na pagpapatupad ng mga warrant, basta naaayon sa batas, tamang proseso at paggalang sa karapatang pantao.

Hinimok naman ni Brigadier General Bunayog ang mga indibidwal at grupong nagbabanta sa peace and public safety na talikuran ang karahasan at isuko ang mga ilegal na armas sa tamang proseso.

Binigyang-diin din niya na pananagutin sa batas ang mga patuloy na lumalabag, habang dapat pa ring pangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng mga sibilyan.

Dumalo sa pagpupulong ang PNP, Philippine Marine Corps, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Criminal Investigation and Detection Group at Highway Patrol Group.

Tinalakay din ng mga ahensya ang law enforcement support, humanitarian assistance and disaster response, galaw ng tropa at mga sibilyan, at post-election security operations sa BARMM.