Tiwala ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na magiging ganap na “legally compliant” ang nakatakdang halalan sa BARMM sa Marso 2026, kasabay ng pagtatapos ng serye ng ‘Public Consultation’ para sa anim na districting bills ng rehiyon.

Ayon kay Member of Parliament Naguib Sinarimbo, inaasahang magbubunga ng malinaw at legal na batayan ang malawak na konsultasyong isinagawa sa iba’t ibang probinsiya upang masiguro ang tama at makatarungang pagbuo ng mga distrito sa Bangsamoro. Si Sinarimbo, na isa ring abogado at chair ng Local Government Committee, ay nagsabing dumaan sa masinsinang pagsusuri ang bawat mungkahi mula sa mga kalahok—partikular na ang pagsasaayos ng municipal clustering sa Tawi-Tawi, Basilan, at ilang bahagi ng Lanao del Sur.

Nagsimula ang konsultasyon noong Nobyembre sa Tawi-Tawi, Basilan at Special Geographic Area; nasundan sa Lanao del Sur noong Disyembre 7, Cotabato City noong Disyembre 8, Maguindanao del Sur noong Disyembre 10; at nagtapos ngayong Disyembre 12 sa Maguindanao del Norte.

Ayon sa BTA, hindi pangkaraniwan ang dami at lawak ng partisipasyon sa bawat public hearing—senyales umano na hinuhubog ang districting law sa isang tunay na bukas at demokratikong proseso. Mas marami pa raw ang dumalo kaysa sa inaasahan, na itinuturing ngayon bilang isa sa pinakamalawak na consultation drives sa panahon ng Bangsamoro transition.

Tinalakay sa mga pagpupulong ang hangganan ng mga distrito, representasyon batay sa populasyon, alokasyon ng puwesto sa parliamentary setup, at pangangalaga sa minority representation. Bukas ding ipinahayag ng mga residente ang kanilang mga pangamba sa pagpapanatili ng geographic contiguity at pag-angkop ng mga distrito sa umiiral na sosyal at pang-ekonomiyang kalagayan.

Tiniyak ng mga resource persons at parliamentary committees na lahat ng naisumiteng puna—nakasulat man o binigkas—ay isasama sa paghuhubog ng final draft ng proposed districting law.

Giit ng BTA officials, hindi ito simpleng pormalidad; mahalaga itong hakbang upang palakasin ang legal at demokratikong integridad ng batas, lalo na’t limitado ang panahon bago sundin ang mga electoral timeline na itinakda ng election authorities.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga mambabatas na mananatiling prayoridad ang transparency, inclusivity, at malawak na partisipasyon ng publiko.

Inaasahan pang maglalatag ng karagdagang posisyon ang iba’t ibang sektor sa huling pagdinig ngayong araw sa Maguindanao del Norte.

Sinabi ni Sinarimbo na ang kabuuang resulta ng konsultasyon ang magsisilbing gabay upang matiyak na ang final district configuration ay magiging makatarungan, representatibo, at tunay na sumasalamin sa interes ng iba’t ibang komunidad sa Bangsamoro.