Kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr. Ang kanyang bangkay ay nadiskubre sa isang septic tank sa Green Street, Felicisima Village, Barangay Mojon, sa lungsod ng Malolos.
Batay sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima noong Enero 24. Sa naturang araw, nagtungo umano si Casauay sa bahay ni Oliver Paul Mauricio, na kilala sa alyas na “Sampol,” upang kunin ang ipinangakong inuming regalo. Kasama niya noon si Police Corporal Vivencio Abalos, miyembro ng Malolos City Police.
Lumabas sa pagsisiyasat na sa loob ng nasabing bahay ay nagkaroon ng komprontasyon si Casauay at isang indibidwal na kinilalang si Julian Salamat, residente ng Barangay Sto. Niño, Malolos City, na itinuturing ding police asset.
Ayon sa ulat, hindi umano nagustuhan ni Salamat ang kalagayan ng biktima na nasa ilalim ng impluwensya ng alak, na nauwi sa pamamaril. Matapos ang insidente, itinapon ang katawan ng pulis sa septic tank upang pagtakpan ang krimen.
Noong Enero 30, boluntaryong sumuko si PCpl. Abalos sa mga awtoridad. Sa bisa ng search warrant, sinalakay ang bahay ni Mauricio kung saan tuluyang natagpuan ang bangkay ng biktima.
Sa kasalukuyan, arestado na sina PCpl. Abalos at Oliver Mauricio, habang patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang itinuturing na pangunahing suspek na si Julian Salamat.

















