Pinawalang-sala na ang asawa ng napatay na policewoman at kanilang anak matapos matukoy ng mga awtoridad na walang sapat na ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa krimen.

Kinumpirma ng pulisya na ibinasura na ang mga paratang laban kay Police Senior Master Sergeant John Mollenido, biyudo ng yumaong PSMS Diane Marie Mollenido, na una nang idinadawit bilang umano’y utak sa pagpatay sa kanyang asawa at anak.

Nag-ugat ang alegasyon sa pahayag ng isang car agent na itinuturing na pangunahing suspek sa kaso, na nagsabing ang pulis umano ang nag-utos sa krimen.

Gayunman, iginiit ng mga imbestigador na walang matibay na ebidensyang sumusuporta sa naturang akusasyon.

Batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad, umatras na rin ang pamilya ng biktima sa isinampang reklamo laban kay John Mollenido, na lalong nagpatibay sa desisyon na siya ay iabsuwelto sa kaso.