Arestado ang isang 32-anyos na lalaki sa isinagawang police response operation bandang alas-11:00 kaninang umaga Pebrero 24, 2026 sa Barangay Magsaysay, Parang, dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Mak”, may asawa, driver, at residente ng Sitio Miramar, Barangay Poblacion 2, Parang, Maguindanao del Norte.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Parang Municipal Police Station sa ilalim ng Philippine National Police, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office.

Ayon sa pulisya, rumesponde ang mga operatiba matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng droga sa lugar. Nahuli umano ang suspek habang gumagamit ng improvised tooter na may lamang puting kristalinong substansiya na pinaniniwalaang shabu.

Sa isinagawang search incidental to lawful arrest, narekober ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 0.1 gramo at tinatayang street value na ₱680.00.

Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang naaayon sa Konstitusyon sa wikang nauunawaan niya. Dinala siya sa isang pagamutan para sa medical examination bago inilipat sa Parang Municipal Police Station para sa dokumentasyon, pagmamarka, imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya, at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Patuloy naman ang kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa lalawigan.