Nanawagan si Sara Z. Duterte ng permanenteng pagbabawal sa mga motorcade at vehicle caravan sa buong bansa, kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis at lumalalang suliranin sa polusyon sa hangin at ingay.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na ang pagsasagawa ng mga motorcade maging ito man ay para sa protesta, selebrasyon, pista, o gawaing pampulitika ay nagdudulot ng mas mataas na konsumo ng gasolina, paglala ng trapiko, at dagdag na polusyon na nakaaapekto sa kalusugan at kapakanan ng publiko.
Ayon kay Duterte, bagama’t nauunawaan niya ang hangarin ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin laban sa administrasyon o magpakita ng suporta sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, mahalagang isaalang-alang ang epekto ng mga ganitong aktibidad sa kapaligiran at sa pang-araw-araw na buhay ng iba.
Hinimok din niya ang publiko na maghanap ng alternatibong paraan ng pagtitipon na hindi gaanong nakaaabala at mas makakalikasan. Binigyang-diin niya na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pag-uwi ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa kawalan ng trabaho, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mas mahahalagang suliranin ng bansa.
Kasabay nito, nanawagan ang Bise Presidente sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng permanenteng pagbabawal sa motorcades at vehicle caravans upang mapanatili ang kaayusan sa kalsada at mabawasan ang polusyon.
“Gawin natin ang ating bahagi upang mapanatiling ligtas, malinis, at episyente ang ating mga kalsada at ang ating bansa para sa lahat,” saad ni Duterte.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang mga LGU hinggil sa panawagang ito, ngunit inaasahang magbubunsod ito ng diskusyon sa hanay ng mga lokal na pamahalaan at mga grupong madalas nagsasagawa ng motorcade bilang bahagi ng kanilang mga aktibidad.

















