Nasawi ang isang lalaki matapos barilin ng suspek sa Sitio Irrigation, Barangay Bongued sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Lunes, Marso 9.
Kinilala ang biktima na si Benzar, nasa hustong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng nasabing barangay. Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima matapos siyang dalhin para malapatan sana ng lunas.
Sa ulat ng pulisya, kagagaling lamang umano sa mosque ng biktima at ng suspek matapos ang Asr o afternoon prayer nang bigla umanong bumunot ng baril ang suspek na nakilalang si alias “Polo” at pinaputukan ang biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na direksyon at kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.
Agad na nagsagawa ng ocular investigation ang mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, inilunsad na rin ang hot pursuit operation upang matunton at maaresto ang suspek habang patuloy ang pangangalap ng pahayag mula sa mga posibleng saksi sa insidente.
















