Patuloy na binabantayan ng weather authorities ang Tropical Depression CALOY na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Sabado ng gabi, Mayo 10, 2026, at itinuturing na ikatlong bagyo sa bansa ngayong taon.
Ayon sa ulat ng PAGASA, inaasahang patuloy na hihina ang naturang weather disturbance habang binabagtas ang Philippine Sea at posibleng maging isang low pressure area (LPA) pagsapit ng Lunes. Gayunman, nilinaw na wala itong inaasahang direktang epekto sa kalupaan ng bansa.
Kasabay nito, minomonitor din ng mga weather forecaster ang isa pang LPA na namataan sa malayong bahagi ng silangan ng Mindanao. Batay sa kasalukuyang datos, hindi inaasahang lalakas ito bilang bagyo.
Sa hiwalay na abiso, walang inilalagay na storm signals sa anumang bahagi ng Pilipinas, ngunit patuloy ang paalala sa publiko na manatiling updated sa mga susunod na weather advisories lalo na sa mga coastal at low-lying areas.
Patuloy namang nakaantabay ang mga lokal na pamahalaan sa mga posibleng pagbabago sa lagay ng panahon, habang pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga susunod na updates mula sa PAGASA.

















