Arestado ang isang babaeng hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga tauhan ng Parang Municipal Police Station (MPS) sa Lower Miramar, Barangay Poblacion 2, Parang, Maguindanao del Norte, dakong alas-5:40 ng umaga noong Mayo 8, 2026.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Nor,” isang online seller at residente ng naturang lugar. Samantala, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang kaniyang umano’y kasabwat na si alyas “Jeng,” 31-anyos, may asawa, at residente rin ng Lower Miramar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakatanggap umano ng impormasyon mula sa isang confidential informant ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaugnay ng bentahan ng droga sa lugar.
Dahil dito, nagsagawa ng validation at buy-bust operation ang mga operatiba kung saan matagumpay na nakipagtransaksyon ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer sa suspek.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto kay alyas “Nor” at pagkakasamsam ng tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Tinatayang may kabuuang bigat itong 2.1 gramo at may standard drug price na humigit-kumulang Php14,280.00.
Ayon sa pulisya, maayos na minarkahan, kinuhanan ng larawan, at inimbentaryo ang mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga kinakailangang testigo alinsunod sa umiiral na pamamaraan.
Ipinaalam din umano sa suspek ang kaniyang mga karapatan bago dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang booking, dokumentasyon, at drug testing. Isusumite naman ang mga nakumpiskang ebidensya sa Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination.
Patuloy namang pinaigting ng Parang MPS ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.

















